-- Advertisements --

DAGUPAN CITY – Ikinababahala na ng National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL) ang lumolobong bilang ng pag-atake at pagpaslang sa mga abogado.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Atty. Ephraim Cortez, secretary-general ng NUPL, sinabi nito na “alarming” na ang nangyayaring pagpaslang sa mga miyembro ng legal profession.

Umabot na kasi aniya sa 38 ang bilang ng mga napatay na abogado sa bansa simula noong taong 2016.

Ayon pa kay Cortez kung magpapatuloy ang ganitong sistema sa bansa ay mawawalan umano ng tatakbuhang abogado ang mga kliyente.

Hinimok naman ni Cortez ang mga kinauukulan na na maglaan ng sapat na hakbangin para matugunan at matiyak ang personal at professional safety ng Filipino lawyers upang sa ganon ay tuluyan na umanong maiwasan ang anumang pag-atake sa kanilang independence at security.

Una rito, magkasunod na pinatay ang isang abogado sa Dagupan City matapos na dumalo sa hearing habang isa ring lawyer ang nasawi sa ambush sa Rodriguez, Rizal nitong nakalipas na Biyernes.