-- Advertisements --

Tiniyak ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na may mga kaukulang security measures na ipinapatupad ang militar para hindi mangyari sa Pilipinas ang serye ng suicide bombing sa Indonesia.

Ayon kay AFP Spokesman Col. Edgard Arevalo, ang naturang pag-atake na ikinasawi ng 26 katao ay hindi katanggap-tanggap para sa mga sibilisadong bansa.

Ipinaabot din Arevalo ang pakikidalamhati ng Pilipinas sa mga pamilya ng biktima sa itinuturing ng Indonesia na “worst terror attack” sa kanilang bansa sa loob ng 10 taon.

Nabatid na tatlong pamilya na binubuo ng mga magulang at kanilang mga anak ang responsable sa mga suicide bombings sa Lunsgod ng Surabaya at Sidoarjo.

Unang pinasabog ng mga suicide bomber ang tatlong simbahan sa Surabaya noong Linggo ng umaga, at isang apartment building sa Sidoarjo kinagabihan, na sinundan ng pagpapasabog sa Surabaya Police Headquarters nitong Lunes ng umaga.