Maagang tinapos ng mga senador ang kanilang unang sesyon matapos bumalik mula sa ilang linggong bakasyon.
Ayon kay Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, binigyang daan nila ang pagbibigay pugay sa yumaong si dating Senate President Nene Pimentel, lalo’t natapat noon sa panahong walang sesyon nang yumao ang dating opisyal.
Bahagi na ng kultura sa mataas na kapulungan ng Kongreso na maglaan ng araw para sa isang dating miyembro ng Senado, kung ito ay pumanaw.
Pero ayon kay Senate President Vicente “Tito” Sotto III, wala lang silang buong sesyon sa plenaryo ngunit naging abala pa rin sila sa caucus.
Dito ay tinalakay ng mga mambabatas ang kinakailangang hakbang para agad matapos ang pagtalakay sa P4.1 trillion proposed 2020 national budget.
Isa sa paksa ang proposal ni Sen. Panfilo Lacson na aprubahan na lang ang House budget version.
Ilang senador kasi ang hindi rito sang-ayon dahil tuluyan nang mawawalan ng tyansa ang kani-kanilang proposed amendments.