-- Advertisements --

ROXAS CITY – Minabuti na muna ng mga kasapi ng Sangguniang Panlalawigan sa Capiz na isagawa ang kanilang regular session sa isang gym sa halip na sa loob ng kanilang session hall sa provincial capitol building kaninang hapon.

Ito ay matapos na pumasok pa umano sa kaniyang opisina sa kapitolyo si provincial administrator Dr. Edwin Monares na kararating lamang galing sa Luzon na hindi na sumailalim pa sa self quarantine.

Nabatid na mahigpit na pinaalalahanan ng pamahalaang panlalawigan ang mga mamamayan na nanggaling sa mga lugar na may positibong kaso ng coronavirus disease 2019 o COVID-19 na dapat sumailalim sa mandatory 14-day quarantine sakaling makauwi na ang mga ito sa Capiz bilang bahagi ng preventive measures laban sa nasabing sakit.

Sinabi sa Bombo Radyo ni Sangguniang Panlalawigan Secretary Zoe Herrera na napagdesisyunan ng provincial board na isagawa ang sesyon sa Capiz Gymnasium upang maiwasang mahawa sila ng COVID-19.

Kinumpirma naman sa Bombo Radyo ni Monares na kahapon lamang siya nakabalik sa lalawigan at aminadong hindi kaagad sumailalim sa self-quarantine dahil kampante naman umano siya na hindi nahawa ng COVID-19 sa Luzon.

Subalit upang mapawi ang agam-agam ng mga mamayan sa lalawigan, sinabi ni Monares na sasailalim na rin siya sa self-quarantine.

Samantala hinimok ni Board Member Jonathan Besa si Governor Esteban Evan Contreras II na magsagawa ng disinfection sa kapitolyo at maging sa Governor’s Mansion sa Barangay Lanot nitong lungsod.