-- Advertisements --

Nilinaw ng Philippine National Police na walang umiiral na “sex-for-freedom scheme” sa loob ng organisasyon.

Kasunod ito ng umano’y panggagahasa ng isang pulis Maynila sa 15-anyos na dalagita kapalit ng kalayaan ng ama na nahulihan ng iligal na droga.

Sinabi ni PNP chief Oscar Albayalde, bagama’t isolated ang nasabing kaso, aminado raw ito na may mga kasong “sexual advancement” na nangyayari.

Inalmahan din ng heneral ang ulat ng isang non-government organization na sinasabing kultura na sa PNP ang “Palit-Puri” na modus.

Ayon kay Albayalde, walang katotohanan na talamak ang panggagahasa ng mga pulis sa kanilang mga inaaresto.

Batay kasi sa report ng Coalition Against Trafficking in Women-Asis Pacific, lumala umano ang “sex-for-freedom” sa ilalim ng Duterte administration.

Dagdag pa sa ulat, walang pulis na napaparusahan na umabuso sa kanilang mga nahuhuling drug suspeks kapalit ng kalayaan nito o kanilang kamag-anak.

Tiniyak naman ni Albayalde na sisiguraduhin nito na mananagot at masisibak sa serbisyo ang pulis na sangkot sa ganitong “palit puri” scheme.

Pero sa ngayon aniya, wala pang pulis na nadadawit sa ganitong scheme ang pinalagpas ng PNP.

“There are probably sexual advancements na may nangyaring mga ganyan pero doon sa sinasabi nilang rampant I think that’s harsh to say. That’s unfair naman sa amin siguro if you say that, it’s totally unfair to the PNP,” pahayag ni Albayalde.