Binigyang diin ng election watchdog na Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) na dapat magsilbing wake up call para sa mga botante ang mga binitawang sexist remarks ng ilang mga kandidato para maging wais sa pagpili sa darating na 2025 midterm elections.
Ayon kay PPCRV spokesperson Ana Singson, binibigyang diin ng naturang mga aksiyon ang kahalagahan ng paghalal ng mga kandidato na nagtataglay ng strong values.
Ipinapaalala din aniya nito sa atin na sagrado ang pagboto at dapat na maintindihan at pumili base sa mahahalagang katangian ng mga kandidato.
Hinimok din ng tagapagsalita ng PPCRV ang mga botante na ikonsidera ang values na isinusulong ng PPCRV sa pagpili ng mga kandidato kabilang ang pagkakaroon ng takot sa Diyos, tapat, magalang, masipag, matulungin at makabayan.
Una rito, umani ng batikos ang nasa dalawang kandidato dahil sa paggamit ng sexist remarks at bastos na pananalita sa kanilang campaign rallies.
Nagbabala naman si Commission on Elections (Comelec) chairman George Erwin Garcia sa mga kandidato laban sa paggamit ng mga sexually charged jokes dahil hindi tatantanan ng poll body ang mga ito na isyuhan ng show cause order hanggang sa tuluyang maparusahan.