DAVAO CITY – Mahigit 50 sexual abuse cases ang naitala ng Davao City Police Office (DCPO) sa nakalipas na anim na buwan nitong taong kasalukuyan.
Batay sa data ng DCPO-Women and Children Protection Desk (WCPD) mula Enero 1 hanggang Hunyo 30, 2020 aabot na ng 54 na pang-aabusong sexual ang nagaganap na kinabibilangan ng mga kasong panggagahasa.
Kabilang daw sa mga biktima rito ay mga menor de edad.
Ang naturang bilang ang mas mababa kung ikukumpara sa 66 na kaso sa kaparehong mga panahon noong nakaraang taon.
Pero, inamin ni DCPO-WCPD desk officer Police Major Elisa Ramirez, karamihan sa mga kasong panggagahasa ay naganap mismo sa loob ng bahay ng mga biktima at mga miyembro rin ng pamilya o kamag-anak ng biktima ang mga suspect.
Dahil dito, nagpahayag ng labis na pag-aalala ang mga otoridad na mas dadami pa ang naturang bilang dahil nitong panahon ng quarantine na kailangan ng mga tao na manatili palagi sa loob ng kani-kanilang mga bahay.