Patuloy pa rin umanong magpapagaling ang sexy actress na si Ana Jalandoni, kahit pa nakauwi na ito mula sa ilang araw na pagka-confine sa ospital.
Kahapon nang makalabas ng ospital si Jalandoni kung saan nag-post ito ng panibagong larawan ng bouquet ng bulaklak ngunit hindi na ipinakita ang card kung kanino galing.
Tanging caption nito sa naturang larawan sa kanyang Instagram Story ay ang mga emoji na bahay, gayundin ang mga kamay na nagdarasal, at puso na mayroong bandage.
Una nang inihayag ng kanyang kapatid na si Tanya Gomez, na nagpapasalamat sila sa lahat ng nagdarasal para kay Ana at malaking tulong ito sa recovery mula sa naranasang umano’y pambubugbog ng aktor at boyfriend nitong si Kit Thompson.
Katunayan aniya ay nabubuksan na uli ng aktres ang mga mata nito, bagama’t ramdam pa rin ang kirot sa paligid ng ulo at katawan dahil sa mga natamong sampal at suntok.
Nitong Lunes nang nakapaghain ng P72,000 na piyansa ang 25-year-old actor para sa kanyang pansamantalang kalayaan, pero ang kampo naman ng sexy actress ay walang balak umurong sa pagsasampa ng kaso.