-- Advertisements --

Ipinoste ni Thunder guard Shai Gilgeous-Alexander ang career-high na 54 points kasunod ng panalo ng OKC kontra Utah Jazz ngayong araw(Jan. 23), 123 – 114.

Ito ang unang 50-point game ni Shai sa loob ng kaniyang karera sa NBA. Maliban sa 54 points, gumawa rin siya ng walong rebounds, limang assists, tatlong steal, at dalawang block,

Naging mahigpit ang banggaan ng dalawang team kung saan 16 na beses na nagkaroon ng pagbabago sa may hawak ng lead hanggang sa mapanatili ng Thunder ang mahigit 5 points na lead sa mga huling sandali ng laro.

Pinilit kasi ng Jazz na patumbahin ang Thunder sa pangunguna ni John Collins na nagpakita ng double-double performance – 22 pts, 12 rebs.

Maliban kay Collins, dalawang iba pang Jazz player ang gumawa ng double-double: kumamada si Walker Kessler ng 17 points at 15 rebs habang 15 points at sampung rebound ang ginawa ni Keyonte George.

Nakipagsabayan ang mga ito hanggang sa ikatlong quarter ng laro ngunit tuluyan din silang inungusan ng Thunder at ibinulsa ang siyam na puntos na kalamangan sa pagtatapos ng tapatan.

Sa naging panalo ng Thunder, nagbuhos din ng 25 points ang forward na si Jalen Williams.

Hawak pa rin ng Thunder ang pinakamagandang record sa Western Conference, 36 – 7, kasunod ng huling panalo.