Nagbigay ng ilang tips ang dating welterweight champion na si Shawn Porter kay Yordenis Ugas, ilang araw bago ang laban kay Manny Pacquiao.
Si Porter ang kabilang sa tumalo noon kay Ugas, dalawang taon na ang nakakaraan.
Si Porter din ay dating sparring partner si Pacman.
Ayon kay Porter, napakahalaga na isipin lagi ni Ugas ang mabilis na pagpapakawala ng counter punch.
Layon nito upang mabigyan din siya ng respeto ng Pinoy eight division world champion.
Aniya, kapag nakaramdam daw si Pacquiao na meron ding ibubuga si Ugas dito na umano mag-iingat ang pambansang kamao.
Kung mangyayari ito ay susunod na ang mga adjustments.
Tiyak din naman ni Porter na marami na ring mga video na pinanood si Pacman at ang kanyang Hall of Famer coach na si Freddie Roach ukol sa istilo ni Ugas.
Dahil dito, mas maigi raw na hindi lamang kumbinasyon at counterpunching ang gawin ni Ugas kundi maging pisikalan din sa diskarte nang hindi tinatamaan ng power punches ng fighting senator.
Sa hula din ni Porter, inaasahan niya na pagsapit daw ng 6th round, lalong magiging exciting at interesting ang bakbakan ng dalawa.