Asahan na ang mga pag-ulan ngayong araw sa ilang bahagi ng bansa dahil sa pag-iral ng Shear Line at Northeast Monsoon.
Mararanasan ngayong araw ang maulap na kalangitan hanggang sa pagkakaroon ng pakalat-kalat na pag-ulan , pagkidlat at pagkulog sa CALABARZON, MIMAROPA, Bicol Region, Visayas, at Dinagat Islands dahil sa epekto ng Shear Line.
Parehong lagay rin ng panahon ang iiral ngayong araw sa Zamboanga Peninsula, Basilan, Sulu, at Tawi-Tawi.
Magiging makulimlim rin at makakaranas ng mahihinang pag-ulan sa Metro Manila, Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region, Aurora, Nueva Ecija, Bulacan at nalalabing bahagi ng Luzon dahil sa Northeast Monsoon o amihan.
Asahan pa rin ang mga pagbaha at pagguho ng lupa dahil sa mga nararanasang mga pag-ulan lalo na sa mga bulnerableng lugar kaya’t pinapayuhan ang lahat na mag-ingat at maging handa.