-- Advertisements --

Lalo pang lumubo ang halaga ng pinsalang idinulot ng tatlong weather system sa sektor ng pagsasaka.

Kinabibilangan ito ng shear line, Intertropical Convergence Zone(ITCZ), at northeast monsoon.

Batay sa datos na inilabas ng Department of Agriculture(DA) – Disaster Risk Reduction ang Management(DRRM) Operations Center, umaabot na sa P307.72 million ang halaga ng pinsalang inisyal na tinamo ng naturang sektor.

Ang naturang pinsala ay pangunahing naitala sa mga rehiyon ng Cagayan Valley, Mimaropa, Bicol, Western Visayas, Eastern Visayas, Davao, at SOCCKSARGEN.

Ang rice industry ang dumanas ng pinakamalaking porsyento na umaabot sa 81.66% o katumbas ng P251.92 million. Mahigit 29,000 ektarya ng mga palayan ang natukoy na apektado.

Ang nalalabi ay pinaghati-hatian na ng mais, high value crops, poultry, atbpa.

Ayon pa sa DA, umaabot na sa 33,973 magsasaka ang kumpirmadong apektado sa tatlong weather system at kabuuang 33,325 ektarya ng mga sakahan ang natukoy na dumanas ng malawakang pinsala.

Posible naman ang lalo pang pagtaas ng danyos habang nagpapatuloy ang validation sa ground level.