Inaasahang haharap sa pagdinig ng Senado sa araw ng Martes, Agosto 27 ang naarestong sina Sheila Guo, kapatid ng sinibak na si ex-Bamban Mayor Alice Guo at Cassandra Ong, kinatawan ng Lucky South 99 POGO hub na sinalakay ng mga awtoridad sa Porac, Pampanga at Corporate Secretary ng Whirlwind Corporation.
Sa isang statement, sinabi ni Senate Spokesperson Arnel Jose Bañas na tiniyak ng National Bureau of Investigation ang pagdalo nina Guo at Ong sa imbestigasyon. Ang NBI din ang siyang magdadala sa 2 papunta at paalis ng Senado. Iti-turnover din aniya sina Guo at Ong sa Senado pagkatapos ng inquest proceedings.
Bubusisiin sa scheduled hearing sa Martes ang pagtakas ng dating alkalde mula sa Pilipinas sa kabila ng existing arrest at immigration lookout orders at mga krimen may kinalaman sa POGOs.
Papangunahan ng Senate Committee on Justice and Human Rights ang pagdinig kasama ang Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality at ang Senate Committee on public services bilang tertiary committees.
Bibigyan din ng pagkakataon sina Guo at Ong na magpresenta ng kanilang statement at tumulong sa mga nagpapatuloy na talakayan at imbestigasyon.
Samantala, ayon naman kay NBI Dir. Jaime Santiago, ihaharap nila ang dalawa sa Senado.