-- Advertisements --

Ipapadeport sa China ang kapatid ni ex-Bamban Mayor Alice Guo na si Sheila Guo sa oras na maresolba na ang lahat ng criminal charges laban sa kaniya ayon sa Bureau of Immigration.

Sa isang statement, sinabi ng BI na si Sheila Guo ay isang Chinese citizen kung saan ang pangalang nakalagay sa kaniyang pasaporte ay Zhang Mier.

Sa ngayon, nakadetine si Sheila Guo sa National Bureau of Investigation.

Nahaharap ito kasama ang negosyanteng si Cassandra Ong sa mga reklamo ng obstruction of justice, pagtatago sa isang pugante at paglabag sa Philippine Passport Act.

Sa deportation case na kinakaharap ni Sheila sa BI, sakaling makumpirma na ilegal nitong nakuha ang kaniyang PH documents, papabalikin ito sa China dahil mayroon itong hawak na Chinese passport na may bisa hanggang 2031.

Sa ngayon ayon kay Immigration Commissioner Norman Tansingco, suspendido ang deportation ni Sheila Guo habang nakabinbin pa ang resolution sa lahat ng kaniyang criminal cases at iba pang pananagutan dito sa Pilipinas.