ILOILO – Umaasa ang Filipino community sa Japan na pagbibigyan ng Department of Migrant Workers ang hiling ng mga Pinoy na magkaroon ng safe shelter ang distressed migrant workers at battered Filipino wives.
Ayon kay Bombo Josel Palma, international correspondent sa Japan, ito ang imumungkahi ng grupo kasabay ng meet-and-greet kay President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. sa Tokyo sa huling araw ng kanyang five-day official state visit sa nasabing bansa.
Masikip na umano ang immigration at hindi na convenient para sa distressed workers na pansamantalang sumisilong dito habang naghihintay sa repatriation.
Hiling rin ng komunidad na mabigyang-pansin ng gobyerno ang karagdagang medical aid kasabay ng shelter development program.
Tinatayang mahigit isang libong mga Pinoy ang dadalo sa meet and greet sa presidente at sa delegasyon ng Pilipinas bukas.
Sa 2021 record ng Philippine Statistics Authority, nasa 58,400 na overseas Filipino workers ang nag-ta-trabaho sa Japan na katumbas ng 3.2% sa 1.83 million na mga Filipino workers sa buong mundo.