Tiniyak ng pamunuan ng Western Mindanao Command (WesMinCom) na sapat ang kanilang puwersa para tugisin ang teroristang Abu Sayyaf at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF).
Ito’y kasunod sa panibagong direktiba ng Pangulong Rodrigo Duterte na pulbusin na ang teroristang grupo.
Ayon kay WesMinCom spokesperson Lt. Col. Gerry Besana, hindi naman tumigil ang militar sa Mindanao sa pagtugis sa mga teroristang grupo na patuloy sa paghasik ng kaharasan.
Pero sa mga darating na araw, inaasahan na umano ang pagkakaroon ng “shifting of forces” lalo na ngayon na naglabas ng direktiba ang Pangulo.
Sinabi ni Besana, dalawang Philippine Army Brigade ang naka-station sa probinsiya ng Sulu kung saan nakatutok sa pagtugis sa nasa mahigit 100 pwersa ng teroristang Abu Sayyaf sa pamumuno ni Hatib Sawadjaan.
Bukod sa dalawang army brigade may mga tropa pa mula sa Marine Forces.
Habang sa probinsiya ng Basilan, isang army brigade ang naka-deploy, ibig sabihin umano hindi na kailangan pang dagdagan ang puwersa sa mga nasabing probinsiya.
Sa ngayon, nakapokus ang WesMinCom sa Maguindanao kung saan target dito ang mga teroristang BIFF.
Giit pa ni Besana, normal routine lamang sa militar ang tinatawag na “shifting of forces” lalo na kung may panibagong operasyong tututukan.
Paliwanag nito na ang mga puwersa na bakante ay siyang idedeploy sa mga lugar kung saan may operasyon.