-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Ipinatupad na ngayon ang shifting of classes sa paaralan sa Koronadal City, probinsya ng South Cotabato na naapektuhan ng sunod-sunod na lindol.

Sa report na ipinaabot sa Bombo Radyo Koronadal, kabilang ang dalawang paaralan sa lungsod na nagpatupad ng shifting of classes na kinabibilangan ng Marbel I Central Elementary School at Marbel 2 Central Elementary School.

Kaugnay nito, ipinahayag ni Marbel I Central Elementary School Assistant Principal Arlene Dalmacio na isinagawa ang nasabing hakbang dahil wala na silang mapaglalagyan sa mga estudyante matapos na abandonahin ang tatlong palapag na gusali.

Nakitaan kasi ito ng mga bitak matapos ang serye ng pagyanig.

Maging ang mga silid-aralan na may ten-kilometer radius mula sa kanilang three-storey building na ginagamit ng mahigit 400 estudyante ay inabandona rin para matiyak ang kaligtasan ng mga ito.

Samantala, may shifting of classes din sa ilang mga grade level sa Koronadal Central Elementary School 2.

Ito ay habang ginagawa pa ang 21 make shift classrooms at ang iba ay inilagay sa kanilang school gymnasium.

Napag-alaman na nasa 129 na mga classrooms sa buong lungsod ang nasira at delikado na para sa mga estudyante matapos ang serye ng lindol.