Nakahanda na ang ipapadalang shipment ng asukal patungong Estados Unidos.
Ito ay matapos makumpleto ang loading operations sa 25,300 metric tons ng asukal sa Tate J, ang barkong magdadala sa mga ito patungo sa US.
Ayon kay Sugar Regulatory Administration (SRA) Administrator Pablo Azcona, kapag nasimulan na ang biyahe patungong US, darating ang shipment ng asukal sa naturang bansa sa loob ng 22 araw.
Batay sa record ng SRA, tatlumpong(30) sugar trader ang bumili ng domestic sugar sa paluging presyo, para lamang ma-stabilize ang farm gate price na tuloy-tuloy ang pagbaba.
Ang binili ng mga trader ang siyang ipapadala ngayon sa US at bilang kapalit ay papayagan ang mga ito na mag-import at mag-export ng asukal kung kinakailangan.
Huling nagpadala ang Pilipinas ng asukal sa US noong crop year 2020-2021 kung saan umabot ito noon sa 112,008 MT.