Tiniyak umano ng Canadian government na sasagutin nila ang lahat ng gastusin sa pagbibiyahe palabas ng Pilipinas ang 69 na waste containers o tone-toneladang basura na galing Canada.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, iniulat ito ng Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa ika-37 Cabinet meeting kagabi na pinangunahan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Sec. Panelo, iginiit ni Pangulong Duterte na hindi tayo garbage collectors kaya ipinag-utos nitong hindi na tatanggap kailanman ang Pilipinas ng basurang galing sa ibang bansa.
Magugunitang nagbanta kamakailan si Pangulong Duterte na ipapabalik nito sa Canada ang kanilang mga basura kung hindi pa nila kukunin sa lalong madaling panahon.
“On the issue of garbage from Canada, the DFA and the Department of Environment and Natural Resources noted that the Canadian government is committed to shoulder all the expenses to ship out all the 69 waste containers. The President is firm that we are not garbage collectors, thus he ordered that the Philippines will no longer accept any waste from any country,” ani Sec. Panelo.