CEBU CITY – Hindi umano naaayon sa batas ang pronouncement ni Pangulong Rodrigo Duterte na “shoot to kill” para sa mga convicted criminals na nakalaya na dahil sa Good Conduct Time Allowance (GCTA) Law, kung hindi ito susuko sa pulisya sa loob lang ng 15 araw na ultimatum.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cebu kay Atty. Arvin Udron, ang regional director ng Commission on Human Rights (CHR)-7, seryoso at delikado ang nasabing kautusan ng pangulo.
Ayon kay Atty. Udron, kailangang sundin pa rin ng pamahalaan ang karapatang pantao at hindi basta na lang pumapatay dahil hindi naman kasalanan ng mga ex-convicts na sila ay nakalaya dahil sa GCTA.
Giit ni Udron na maaaring gamitin ang shoot to kill order kung may ‘international armed conflict’ na nagdudulot ng isang malaking banta sa Pilipinas.
Samantala, siniguro ni Cebu City Police Office Director Police Colonel Gemma Vinluan na walang mangyayaring masama sa mga convicted criminals kung matiwasay silang susuko sa mga pulis.
Sinabi ni Col. Vinluan na nagbabase sila sa kautusan ng national headquarter na mag-monitor at makikipag-coordinate sa Bureau of Correction kung may susukong ex-convict na nabigyan ng GCTA.
Inihayag rin ng police director na may mga imbestigador na ang CCPO na naglo-locate sa tatlong mga convicted criminal na pawang mga taga-Cebu na kasali sa pitong responsable sa Chiong Sister murder case.