-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Tinawag na “unconstitutional” ni Bayan Muna Partylist Rep. Carlos Isagani Zarate ang ginagawang mga pagpatay ng kasalukuyang administrasyon sa mga rebeldeng grupo.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Zarate, mapanganib umano ang mga katagang binitiwan ni President Rodrigo Duterte matapos itong magpalabas ng shoot-to-kill order laban sa rebeldeng grupo na Communist Party of the Philippines – New People’s Army (CPP-NPA).

Aniya, kahit may armas pang dala ang grupo ay nararapat pa rin na dumaan sa tamang proseso ang paghuhuli sa mga at ito ay base naman sa ating batas.

Inaalala rin nito na baka may mga inosenteng tao ang mabiktima at palalabasin lamang na “nanlaban” katulad na lamang umano sa ginagawa nila sa mga durugista sa bansa.

Posible rin daw na isa itong panibagong “tokhang serye” ng pulisya sa bansa ngunit ang sentro nito ay sa mga rebeldeng grupo na.

Ngunit kanila ring ikinababahala ang mawalan ng distinction sa totoong non-combatants at combatants.

Dagdag pa nito, mas tataas lamang ang kaso ng extrajudicial killings sa bansa dahil dito.