-- Advertisements --

VIGAN CITY – Ikinalulungkot ng pamunuan ng Philippine National Shooting Association (PNSA) na naapektuhan ang kanilang line-up para sa 30th Southeast Asian Games sa bangayan sa Philippine Olympic Committee (POC).

Ito ay kahit na tapos na ang eleksyon para sa mga bagong opisyal ng POC nitong nakaraan at napili si Bambol Tolentino bilang bagong POC president.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Narvacan Mayor Luis “Chavit” Singson na presidente ng PNSA, sinabi nito na natanggal umano sa listahan ng POC para sa SEA Games ang mga magagaling na shooters sa kanilang asosasyon dahil sa nasabing isyu.

Ayon kay Singson, ang mga natanggal sa delegasyon ng Pilipinas sa shooting competition sa SEA Games na gaganapin sa bansa ay sigurado sanang makakasungkit ng gintong medalya para sa bansa dahil sa kanilang husay at galing.

Kaugnay nito, nanawagan ang opisyal na kung maaari ay ayusin na ng POC kung ano man ang isyu sa komite nang sa gayon ay hindi na lumaki pa ito at pag-ugatan ng hindi paghost ng Pilipinas sa nasabing palaro.