Nagpaabot ng paumanhin ang online retailer na Shopee Philippines sa bulilyasong naganap sa katatapos lamang na Blackpink meet and greet na ginanap sa Samsung Hall, SM Aura, Taguig City.
Inorganisa ng nasabing kumpanya ang fan event na ito na nangakong bibigyan ng upuan ang halos 40 masuwerteng fans na gagastos ng malaking halaga upang bumili ng kanilang items at makakakuha rin daw sila ng autographs mula sa myembro ng Blackpink.
Ngunit sa mismong araw ng event, nabalot ng takot ang mga fans nang mabatid na di-umano’y hindi valid ang ticket na kanilang natanggap sa kabila ng paggastos ng halos isang-daang libong piso.
Sa official statement na inilabas ng Shopee, ginawan daw nila kaagad ng paraan upang maiwasan ang pangyayari ngunit sa kasawiam-palad ay hindi nila naabot ang mataas na standards na inaasahan ng fans mula sa kanila.
Sinigurado naman ng Shopee na patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa mga fans na napangakuan nila ng ticket.
Paratang naman ng ilang fans, mas inuna pa umano ng online retailer na bigyan ng magandang slots ang mga celebrities at influencers kaysa sa mga gumastos ng libo-libo para lamang makita ang kanilang iniidolo.
Ang Blackpink ay kpop girl group mula South Korea na binubuo nina Jennie, Rose, Lisa at Jisoo. Sila ang nagpasikat ng mga kantang “Playing With Fire”, “Forever Young”, at “Kill This Love.”