Inilabas na ng White House ang halos 100 pahina na trade deal na pinasukan ng Amerika at China.
Ang kontrobersiyal na kasunduan na tinagurian ding Phase One Trade Agreement na inabangan ng maraming bansa ay pinirmahan mismo ni US President Donald Trump at Chinese Vice Premier Liu He.
Tinawag ng ilang analyst na kabilang sa panalo raw ni Trump sa deal ay ang pangako ng China na bibili nang dagdag na $200 billion na American goods at services hanggang 2021.
Gayundin ang pag-crack down ng China sa mga business practices na inirereklamo ng Amerika tulad na lamang sa pagnanakaw sa intellectual property rights.
Malaking tulong din daw sa mga magsasaka ng Amerika ang deal dahil bibili ang China ng mga agricultural products, gayundin mga eroplano, pharmaceuticals products, at petrolyo.
Ang iba pang nasa shopping list ay ang pagluluwag umano (barriers to trade) sa palitan ng produkto na may kaugnayan sa karne, poultry products, pet food, seafood, animal feed, baby formula, dairy at biotech.
Sa kabila ng naturang kasunduan, duda naman ang ilang eksperto sa kahihinatnan nito dahil may nakapaloob daw na hanggang dalawang taon lamang ang pamimili ng China sa American products at hindi pa alam ang mangyayari pagkalipas nito.
Gayundin ang pahayag daw ng China na ang “buy American goods and services” ay nakadepende lamang sa market demands sa kanilang bansa.