-- Advertisements --
DA salt asin
Salt farm (courtesy from DA)

Itinuturing umano na isa sa malaking hamon ng bansa ang kakulang ng supply ng asin kaya naman ang mga mambabatas ay full-support na buhayin ang industriya ng asin at paigtingin pa ang local salt production sa Pilipinas.

Ang Pilipinas ay lubos na umaasa sa pag-aangkat ng asin dahil ang lokal na produksyon ay lumala kahit na ang bansa ang isa sa may pinakamahabang shorelines sa mundo.

Kaya naman ibinibigay ni Sen. Nancy Binay ang kanyang buong suporta sa muling pagbuhay sa lumiliit na industriya ng produksyon ng asin sa bansa upang matulungan ang mga magsasaka na magkaroon ng karagdagang kita sa pagnenegosyo nito.

Sa public hearing ng Committee on Agriculture, Food, and Agrarian Reform, kasama ang iba pang ahensya ng gobyerno, sinabi ni Binay na pabor siya sa paglalagay ng mga kinakailangang reporma tulad ng pagbabawas ng mga paghihigpit sa paggawa ng iba pang anyo ng food-grade at industrial salt, at hindi lamang iodized salt ayon sa iniaatas ng Republic Act 8172 para mapataas ang kabuuang produksyon sa industriya ng asin.

Iminungkahi din ni Binay na ang mga negosyo ng asin at kooperatiba ay dapat na iugnay sa Philippine Coconut Authority upang mahikayat ang mga magniniyog na bumili ng lokal na gawang asin para sa kanilang mga pangangailangan sa pataba.

Dagdag pa ng mambabatas, napakalaki aniya ng problema sa asin sa bansa sapagkat wala sa gobyerno ang in-charge rito.

“Parang napakalaki ng problema natin talaga sa asin dahil apparently wala sa pamahalaan ang in-charge at the salt.” Ani Binay sa hybrid committee hearing.

Ikinalungkot naman ni Senate Majority Leader Joel Villanueva ang lumiliit na industriya ng asin sa bansa sa kabila ng pagkakaroon ng isa sa pinakamahabang shoreline sa mundo na nakatutulong para sa produksyon ng asin.

Aniya, hindi lubos na nagagamit ang mga mapagkukunan na mayroon ang bansa at ang industriya ng asin ay patuloy na bumabagsak.

Naguguluhan din ang mambabatas, na kung saan isang agrikultural na bansa na may mga shorelines na umaabot ng libu-libong kilometro, ay mag-aangkat ng 93 porsiyento ng kabuuang pangangailangan ng asin ang Pilipinas.

“The country is blessed with over 36,000 kilometers of shoreline, 5th longest in the world. Suitable for salt making unfortunately madam chair, we have not made full use of the resources that we have. The Philippines an agricultural country with shorelines that stretch for thousands of kilometers would import 93% of our total salt requirements. Nakakalungkot po ito sobrang nakakalungkot. Parang sinab i niyo po iyong Iceland nag-i-import ng yelo.” Pahayag ni Villanueva.