Isusumite na ni Interior Sec. Eduardo Año kay Pangulong Rodrigo Duterte ang shortlist ng mga kandidato para sa magiging susunod na pinuno ng Philippine National Police (PNP) sa huling linggo ng Agosto.
Sinabi ni Año, posibleng tatlo hanggang sa limang pangalan ang isasama niya sa naturang shortlist.
Nasa Pangulong Duterte naman aniya ang huling pasya kung sino ang kanyang ipapalit sa kasalukuyang PNP chief na si PGen. Archie Gamboa na magreretiro na sa Setyembre 2.
“Lahat naman ng three-star ranks’ ay kandidato at prayoridad na pagpipilian. Depende naman sa Pangulo kasi kahit hanggang one-star rank puwede din siya mamili,” saad pa ni Año.
Ilan sa posibleng contenders para sa naturang posisyon ay sina Lt. Gen. Camilo Cascolan, deputy chief for administration at head ng Administrative Support to Covid-19 Operations Task Force (ASCOTF); Lt. Gen. Guillermo Eleazar, deputy chief for operations at commander of the Joint Task Force Covid Shield; at Lt. Gen. Cesar Hawthorne Binag, chief of the PNP directorial staff.
Si Cascolan, na batchmate ni Gamboa sa Philippine Military Academy (PMA) Class 1986, ay magreretiro na sa Nobyembre.
Samantalang sina Binag at Eleazar, na kapwa mula sa PMA Class 1987, ay magreretiron naman sa Abril at Nobyembre 2021, ayon sa pagkakasunod-sunod.