-- Advertisements --

Nakatakdang maglabas ng show cause order ang Department of the Interior and Local Government (DILG) laban sa nasa 30 alkalde sa mga lugar na naging mabagal ang pamamahagi ng cash assistance sa mga benepisyaryo sa ilalim ng social amelioration program.

Ayon kay DILG Usec. Jonathan Malaya, pagpapaliwanagin ang nasabing mga mayor kung bakit hindi nila nasunod ang ibinigay na palugit sa distribusyon ng cash aid noong Mayo 10.

“Para po dito sa mga lugar na naging mabagal ang distribusyon ng SAP, nagutos na po si Secretary Eduardo Año na magpalabas show cause orders sa di lalagpas na 30 mayor sa buong bansa,” wika ni Malaya sa Laging Handa public briefing.

“Pagpapaliwanagin po natin ang mga mayor kung bakit di nila nailabas or na-distribute ang Social Amelioration Program bago magkaroon ng deadline noong May 10, 2020,” dagdag nito.

Bagama’t hindi na naghayag pa ng karagdagang detalye si Malaya, mag-iisyu raw sila ng pomal na anunsyo hinggil sa naturang paksa sa mga susunod na araw.

Una nang sinabi ng DILG na susundin nila ang due process sa imbestigasyon sa mga lokal na opisyal na mabibigong makumpleto ang distribusyon ng tulong pinansyal bago ang deadline.

Sa datos ng DILG, nasa 1,265 local government units sa buong bansa ang nakatapos sa pamamahagi ng first tranche ng ayuda sa deadline na itinakda ng gobyerno.