Pinadalhan na ng “show-cause order” ng Department of Energy (DOE) ang mga kompaniya ng langis para pagpaliwanagin kung bakit nagpataw ang mga ito ng “one-time, big-time” oil price hike noong isang linggo.
Ito ay kahit may dati pa silang reserba at hindi pa naman nakaapekto sa presyo ang “drone attack” sa oil refineries ng Saudi Aramco kamakailan.
Maliban dito, pinagpapaliwanag din ng DOE ang mga kompaniya ng langis kung bakit kulang din ang ipinatupad nilang bawas-presyo o rollback sa petrolyo ngayong linggo.
Magugunitang P2.35 kada litro ang ipinataw na price adjustment sa gasolina dahil sa “drone attack” noong isang buwan habang P1.80 kada litro naman ang ipinatong sa diesel.
Sinabi ni Energy Assistant Secretary Bodie Pulido, mas mataas ng P0.22 ang itinaas sa presyo sa gasolina ng mga kompaniya ng langis habang P0.60 naman sa presyo ng diesel.
Sa kaso ng liquified petroleum gas (LPG), gusto ring marinig ng DOE ang paliwanag ng LPG retailers kung bakit mababa naman ang ipinatupad na price rollback mula sa sinabi nilang halaga ng taas ng presyo nito.
Binigyan ng tatlong araw ng DOE ang mga kompaniya ng langis para magsumite ng kanilang paliwanag, kung hindi sila dapat kasuhan at posibleng matanggalan ng kanilang Certificates of Compliance.