ILOILO CITY – Hindi pa rin sumasagot sa ibinabang show cause order ng Land Transportation Office (LTO) ang driver ng Mazda MX5 sportscar na nakasagasa patay sa mag-asawang principal at tister habang tumatawid sa pedestrian lane sa Sen. Benigno Aquino Jr. Avenue Mandurriao sa lungsod ng Iloilo.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Jose Romeo Jamerlan, deputy chief operations ng LTO Region 6, sinabi nito na bibigyan nila ng limang araw si Valencia upang makapagbigay ng paliwanag hinggil sa pagkasagasa nito sa mag-asawang Joe Marie Osano, 49 , principal ng Lapaz II Elementary School at Alnie Dinah Pet-Osano, 45, officer-in-charge ng Ticud Elementary School, pawang residente ng Leofel Subdivision Brgy. Ticud, La Paz, Iloilo City.
Gayunman hanggang sa ngayon anya, hindi pa rin sila nakakatanggap ng sagot mula sa legal counsel ni Valencia.
Napag-alaman na tumanggi si Valencia na humarap sa mga opisyal ng LTO nang isinilbi ang show cause order sa halip ang kapatid lang nito ang tumanggap ng nasabing dokumento.
Nagbabala rin ang LTO kay Valencia na hindi ito maaaring magmaneho ng anumang sasakyan dahil suspendido ang kanyang drivers license sa loob ng tatlong buwan.