Naninindigan ang Malacañang sa tuluyang pagpapasara sa KAPA Ministry International Inc., na sangkot sa investment scam.
Reaksyon ito ng Malacañang sa naging panawagan ng ilang miyembro ng KAPA kay Pangulong Rodrigo Duterte na ipatigil ang pagpapasara sa KAPA dahil nakikinabang daw sila.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, basta ang posisyon ni Pangulong Duterte ay isang syndicated estafa at panloloko ang ginagawa ng KAPA kaya dapat itong matigil.
Ayon pa kay Sec. Panelo, malinaw ding labag sa batas at iligal ang ginagawa ng KAPA alinsunod sa Cease and Desist Order ng Securities and Exchange Commission (SEC).
Inihayag din ni Panelo na iilan lang naman ang nagsasalita at nagrereklamo sa shutdown order ni Pangulong Duterte laban sa KAPA.
Kaya wala raw pagbawi o pagtigil sa ginagawa ng NBI at PNP-CIDG laban sa operasyon ng KAPA ni Pastor Joel Apolinario.
Una nang tinaya ng NBI na aabot na sa limang milyon ang mga miyembro ng grupo batay na rin sa unang pag-ako ni Apolinario.
Samantala, kinumpirma naman ngayon ni NBI NCR chief Atty. Cesar Bacani, posibleng maghain na sila inisyal na kaso bukas o sa Lunes laban kay Apolinario, mga officials at incorporators ng Kabus Padatuon.
Ito ay ukol sa paglabag sa Section 8 at 26 ng Securities Corporation Code of the Philippines.
Bago ang isinagawang raid ng NBI, PNP-CIDG at SEC, nauna nang ni-revoke ang operasyon nito pera nagpatuloy pa rin umano sa iligal na gawain.
Kung maaalala meron pang cease and desist order na ipinalabas ang SEC laban sa grupo.