Naagapan ang muntikan ng pag-shutdown ng gobyerno ng Amerika matapos maipasa na ng US Congress ang budget deal.
Nauna ng inaprubahan ng US House of Representatives ang naturang bill sa botong 366-34 at makalipas ang isang oras inihabol ng US Senate ang pagpasa nito sa botong 85-11 bagamat lagpas ito ng mahigit kalahating oras sa deadline nitong hatinggabi ng Sabado, Disyembre 21.
Sa ilalim ng bagong spending plan, papalawigin ang kasalukuyang fiscal levels hanggang Marso 14, magbibigay ng $110 billion para sa relief para matulungan ang mga natural-disaster survivors at aid farmers.
Subalit hindi kabilang sa ipinasang pondo ang demand o hinihingi ni President-elect Donald Trump sa mga mambabatas na taasan ang debt ceiling ng federal government na nagpapakita ng limitasyon ng kakayahan ni Trump para manduhan ang mga mambabatas mula sa kaniyang sarili mismong Partido.
Ipinasa na ang naturang bill kay US President Joe Biden para ganap na lagdaan bilang batas.
Sa isang statement naman mula sa tagapagsalita ni Biden, kinumpirma niyang inaprubahan na ng Pangulo ang naturang budget deal.
Bunsod nito, naisalba ang Pasko ng nasa mahigit 800,000 manggagawa na nanganib na hindi masahuran sakaling natuloy ang government shutdown habang inihinto naman ng White House ang mga preparasyon nito para sa shutdown.
Matatandaan, pinakahuling nangyari ang government shutdown sa Amerika noong unang termino ni Trump noong 2019 na nagtagal ng 35 araw, ang pinakamahabang government shutdown sa kasaysayan ng Amerika.