Inamin ni LeBron James na hindi niya alam na naitsapuwera pala siya sa pagpipilian bilang bagong Most Valuable Player (MVP) ngayong NBA season, bago pinangunahan ang Cleveland Cavaliers sa ikalawang panalo laban sa Boston Celtics.
Ayon kay James hindi na niya ito pinapansin basta ang mahalaga ginagawa niya ang lahat na maging MVP sa bawat laro ng Cavs.
Ibinigay ni LeBron ang reaksiyon sa postgame news conference makaraang tambakan nila ng 44 points ang Celtics sa Game 2.
Giit pa ni James, alam naman umano ng liga ang kanyang inilalaro.
“For me, I know what I bring to the table. This league knows what I bring to the table. That’s for you guys to write about. It’s not for me to be concerned about,” ani LeBron.
Samantala, ilang mamamahayag naman ang nasabihan daw ng four-time MVP awardee na hindi raw naitago ang pagkadismaya nito.
Tinatanong daw ni LeBron kung bakit ika-number four lang siya kina Russell Westbrook (Thunder), James Harden (Rockets) at Kawhi Leonard (Spurs).
Aniya, matagal na panahon umano na hindi lamang siya No. 4.
Nagtataka rin si James kung bakit pinili rin siya sa second team at hindi sa first team.
Kaugnay nito, sama-samang ipinagtanggol nina Cavs coach Tyronn Lue, JR Smith, Richard Jefferson at James Jones si LeBron sa pagsasabing para sa kanila ito pa rin ang kanilang MVP.
Ang pag-snub ng NBA sa Cavaliers star ay sa kabila na nagtala ito ng career highs sa assists (8.7) at rebounds per game (8.6) ngayong season.
Si James din ang ikatlo sa NBA player na nag-a-average ng 25 points, 8 rebounds at 8 assists bawat game at may record na 50 percent sa shooting sa isang single season.
Pero sina Westbrook at Harden ay matagal ng kinonsidera na top two contenders para sa MVP.
Kung maalala si Westbrook ay nag-average ng triple-doubles sa kanyang mga laro ngayong season.
Umabot sa 42 triple-doubles ang naiposte ni Westbrook para basagin ang matagal ng record ng basketball legend na si Oscar Robertson.