-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Isina-ilalim na sa state of calamity ang Siargao at Bucas Grande Islands sa lalawigan ng Surigao del Norte matapos aprubahan ng Sangguniang Panlalawigan ang rekomendasyon ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC).

Base sa resolution number 502 series of 2024, nag-motion si provincial board member Kaiser Recabo Jr. na isa-ilalim sa state of calamity ang nasabing nga mga isla na sinang-ayunan naman sa lahat ng mga board members na dumalo.

Ito’y bilang tugon sa mahigit isang linggo ng power outage dahil sa posibleng pagkasira ng submarine cable na nagkokonekta sa Siargao Island at sa Mindanao power grid.

Una nang inihayag ni Surigao del Norte Governor Robert Lyndon Barbers na posibleng maaabutan pa ng 10 araw ang pag-inspect ng mga expert divers sa natitirang 20-kilometrong submarine cable ng Siargao Electric Cooperative o SIARELCO sa karagatan bago maibalik sa normal ang linya ng kuryente.

Ito’y matapos makumpirma na ang una ng na-inspect na 1.9-kilometrong parte ng submarine cable ay walang danyos, ngunit pumupulupot lamang.

Dahil sa nasabing deklarasyon, mailalabas na ng provincial government ang emergency funds para sa mabilis na restoration effort na gagawin ng management ng Siargao Electric Cooperative o SIARELCO at sa pagpapadala ng importanteng suporta sa apektadong kumunidad.