-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Malaking tulong ang nabuong Inter-Agency Task Force Siargao kaya hindi natuloy para sa rehabilitasyon ang Siargao Islands gaya ng ginawa sa Boracay Islands.

Ayon kay Department of Tourism (DOT)-Caraga regional director Ma. Ana Nuguid, sunod-sunod na meeting at seminar ang kanilang ginawa kasama ang mga stakeholders upang agad na resolbahin ang mga isyung may kaugnayan sa isla.

Ito’y lalo na’t una nang kinokonsidera ni DOT Secretary Roy Cimatu na kasama ang Siargao Island sa apat na tourist destinations ng bansa na plano sanang ipasara para sa rehabilitasyon kasunod ng Boracay.

Dagdag pa ng opisyal na ang collaborative effort ng nasabing task force ay pinuri nina Environment Sec. Roy Cimatu at Interior Sec. Eduardo Año lalo na’t nang kanilang makita ang proper waste segration na ginawa ng lokal na pamahalaan ng General Luna kung saan matatagpuan ang surfing capital ng Pilipinas.

Kasama ng DOT Caraga sa task force ang Department of Environment and Natural Resources, Department of Interior and Local Government, mga local government units, Land Transportation Office, at Land Transportation, Franchising and Regulatory Board.