BUTUAN CITY – Nagdiriwang ang mga Siargaonons matapos magkampeon ang local surfer na si John Mark Tokong alyas Marama sa katatapos lang na 25th International Surfing Cup na inilunsad sa Cloud 9 ng Siargao Island sa bayan ng General Luna, Surigao del Norte.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ni Roel Catoto, magkahalong kaba at takot ang naramdaman ng mga sumaksi sa final game kahapon ng hapon dahil sa dikit na performance ng mga natitirang surfers.
Sa loob ng 30-minuto laro sa finals ay nanguna sa unang heat si Marama sa pamamagitan ng 9-puntos laban sa gifted surfer na mula Hawaii na si Noah Benschen na may 5.40 points.
Pagdating sa halftime ay bigla na lamang natahimik ang audience nang malagay sa alanganing posisyon ang Pinoy surfer at mistulang bumawi si Benschen sa natitirang minuto at ginamit nito ang kanyang kumbinasyon upang malampasan si Marama sa pamamagitan ng 8.60 wave.
Sa huling 20-segundo ay nilaro ni Marama ang alon na siyang naging daan sa magandang kumbinasyon ng performance na kanyang ipinakita na kumumbinsi sa mga judges at bigyan siya ng score na 16.80 points habang 16.75 ang kay Benschen.
Umabot din ng ilang minuto ang init ng diskusyon ng mga hurado bago inanunsyo at nagbigay ng 7.80 points kay Marama para sa kanyang huling hirit sa alon.
Sa kabuuan ay half point lamang ang abanse ni Marama sa American surfer.
Kasama sa mga foreign tourists at mga kilalang personalidad na nakitang nakihalubilo sa local surfer ay si Miss Universe Philippines 2017 Rachel Peters.
Napag-alamang gumalaw pa ang tower sa Cloud 9 dahil sa paglundag ng mga tao nang inanunsyo ang pagkampeon ni Marama sa nasabing kompetisyon kung saan aabot sa katumbas na P300,000 ang naibulsang premyo ng Pinoy surfer.