Kinumpirma ni PNP Internal Affairs Service (IAS) Inspector General Atty. Alfegar Triambulo sa Bombo Radyo na “dismissal from police service” ang kanilang naging hatol sa mga pulis na sangkot sa Jee Ick Joo slay case.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Triambulo kaniyang sinabi na noong buwan pa ng Marso pinirmahan ni PNP chief Dir. Gen. Ronald dela Rosa ang kanilang rekomendasyon laban sa mga principal suspeks sa pagpatay sa Koreanong negosyante na sina P/Supt. Rafael Dumlao, SPO2 Ricky Sta. Isabel at SPO4 Roy Villegas.
Noong nakaraang buwan inaresto ng PNP-Anti-Kidnapping Group si Dumlao habang nasa ilalim sa restrictive custody sa loob ng Kampo Crame.
Si Dumlao ay nahaharap sa kasong kidnapping at serious illegal detention sa Korean trader na unang pinatay sa loob ng Camp Crame noong nakaraang taon.
Walang inirekomendang piyansa ang korte para sa mga nabanggit na kaso.
Kasalukuyang nakapiit pa rin sa PNP Custodial Center si Dumlao.
Una ng sinabi ni Dela Rosa na malakas ang ebidensiya laban sa mga pulis na itinuturong nasa likod sa pagpatay kay Joo.
Samantala, inihayag din ni Triambulo na “dismissed from service” din ang kanilang naging desisyon laban grupo naman ni P/Supt. Marvin Marcos na siyang nasa likod sa pagpapatay kay dating Albuera Mayor Rolando Espinosa.
Kasalukuyang nakakulong sa detention facility ng CIDG sa Eastern Visayas ang grupo ni Marcos.