-- Advertisements --
NATIVE SIBUYAS

Ibinunyang ngayon ng isang senador na nasa P8 hanggang sa P15 lamang ang presyo ng sibuyas noong Abril 2022 na binibili sa mga magsasaka sa Occidental Mindoro ang ibinenta sa P700 hanggang sa P750.

Ito ang bahagi ng sponsorship speech ni Senate Committee on Agriculture, Food and Agrarian Reform Chairman Senator Cynthia Villar.

Aniya, October 2022 nagsimulang sumipa ang presyo ng sibuyas at umabot sa P750 kada kilo noong Disyembre.

Ang mga magsasaka sa Pangasinan at Nueva Ecija naman ay nagsabing ang kanilang farmgate noong December 2022 ay P200 hanggang P250 lamang.

Sinabi ng senadora na ang mga biniling murang sibuyas ay inimbak ng mga traders sa cold storage at saka inilabas noong nagkaroon na ng shortage at mataas na ang presyo.

Paliwanag pa niya, noong March hanggang April 2022 na harvest season ay nabalitaang nabubulok na lang sa kalsada ang mga sibuyas dahil sa sobrang baba ng presyo sa farmgate.

At pagsapit naman ng December, biglang tumaas ang presyo sa P750.

Kabilang naman sa mga rekomendasyon ng komite ang pagbuo ng “Anti-Agricultural Smuggling Task Force” na tututok sa buong sektor ng agrikultura.

Para masuportahan ito, magtatalaga ng Special Court o Anti-Agricultural Smuggling Court na lilitis sa economic sabotage cases at magkakaroon din ng Special Team of Prosecutors.