-- Advertisements --
SIBUYAS

Inihayag ng PNP na sa kabila ng iba’t-ibang mga pekeng produkto, ang pinakamaraming smuggled products na naitala sa Pilipinas ay produkto ng mga sibuyas.

Iniulat ni Police Brigadier General Romeo Caramat Jr. na P137.6 milyong halaga ng sibuyas ang naipuslit sa bansa mula noong 2019.

Aniya, mula Enero 2019 hanggang Abril 2023, ang Pambansang Pulisya sa pakikipag-ugnayan sa Bureau of Customs at Department of Agriculture ay nagsagawa ng 1190 law enforcement operations laban sa ipinagbabawal na kalakalan.

Bukod sa sibuyas, ang iba pang karaniwang ipinuslit na bilihin ay bigas na nagkakahalaga ng P500,750 at asukal kung saan P858,000 ang naipuslit.

Ang mga garments o kasuotan, bag at piyesa ng sasakyan ay ang pinakamalaking kategorya sa ipinagbabawal na kalakalan, na nagkakahalaga naman ng mahigit P10 billion.

Pumangalawa ang mga produktong tobacco, na may mahigit P1.49 bilyong produkto na nakumpiska, ayon sa PNP.

Samantala, sinabi naman ni Bureau of Internal Revenue Commissioner Romeo Lumagui Jr na ang tobacco smuggling ang pinakamalaking problema ng ahensya sa kasalukuyan.

Aniya, malaki ang pagkawala ng kita para sa tabako at isa rin umano ito sa pangunahing dahilan kung bakit hindi naabot ang target na koleksyon para sa excise taxes.

Una nang binanggit ni Caramat na tumaas ang ipinagbabawal na kalakalan sa panahon ng pandemya at ang mga smuggler ay gumagamit ng “online platforms” at “online selling”.