VIGAN CITY – Nais ng minorya sa Kamara na mabigyan ng sick leave ang lahat ng mga public school teachers sa bansa at mabawasan ang kanilang paggawa ng reports at iba pang workload ng mga ito.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni ACT Teachers Partylist Rep. France Castro na sa kaniyang inihaing House Bill 5349, isinusulong nilang magkaroon ng 30 araw na sick leave ang bawat guro sa mga pampublikong paaralan kada taon.
Ipinaliwanag nito na sa ilalim ng leave benefits ng mga guro ngayon, tanging service credits at proportional vacation pay lamang ang natatanggap nila.
Ngunit ayon sa mambabatas ang mga nasabing benepisyo ay kabayaran lamang umano sa mga trabaho na ginagawa ng mga guro na lagpas sa kanilang tungkulin kagaya na lamang ng brigada eskwela, halalan at census.
Maliban sa sick leave, hinihiling din ng grupo nina Castro na mabawasan ang paggawa ng reports, clerical works at iba pang ginagawa ng mga guro sa bansa upang matutukan nila ang kanilang trabaho sa paaralan.
Ayon sa mambabatas, nahahati umano ang atensyon ng mga guro dahil sa mga paperworks na kanilang ginagawa at kung anu-ano pang seminar ang nire-require na kanilang lahukan.