CEBU CITY – Nanawagan ang mga sidewalk vendors sa lungsod ng Cebu kay Pangulong Rodrigo Duterte na i-lift ang order ng Department of Interior and Local Government (DILG) na tanggalin ang kahit anong obstructions sa kalsada.
Ito ay matapos na makaranas umano sila ng hirap mula noong pinaalis sila ng city government sa kanilang pwesto sa Colon Street sa isinagawang clearing operations.
Sa panayam ng Bombo Radyo sa sidewalk vendor na si Roger Dal, sinabi nito na apektado ang kabuhayan nya simula nang pinalipat sila ng Cebu City government sa Tabo sa Banay dahil sa kaunti nitong kita.
Hiling naman ni Dal na pakinggan ni Duterte ang kanilang hinaing at intindihin ang kanilang kalagayan.
Samantala, iginiit ni Cebu City Mayor Edgardo Labella na sinusunod nila ang utos ng DILG at ng Pangulong Duterte kung saan tinanggal nila ang mga nakaharang sa daan kabilang na ang mga sidewalk vendors.
Siniguro naman ni Labella na hindi nya hahayaang mawalan ng hanapbuhay ang mga apektadong vendors sapagkat pinalipat lang sila sa mas ligtas na lugar.
Napag-alaman na may order ang DILG na kanilang sususpendihin ang mga local chief executives kung hindi nila matanggal ang mga obstructions sa kalsada.