-- Advertisements --

Naglunsad ng isang signature campaign ang National Union of People’s Lawyers (NUPL) na naghihikayat kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na gawaran ng clemency ang Pinay na nasa death row sa Indonesia na si Mary Jane Veloso.

Ang naturang petisyon ay parte ng “Save Mary Jane Veloso Task Force” ng NUPL na naglalayong mabigyan linaw ang mahirap na kalagayan ni Veloso at isulong ang kaniyang ligtas na pagbabalik sa bansa matapos ang mahigit 1 dekadang pagkakakulong sa Indonesia.

Binigyang diin sa petisyon ang karanasan ni Veloso bilang isang biktima ng human trafficking kung saan nakasaad na hindi dapat ituring bilang kriminal si Mary Jane subalit bilang isang biktima.

Target ng petisyon na makakalap ng malawakang suporta, kapareho ng signature campaign noong 2015 na nakakolekta ng halos kalahating milyong lagda sa loob ng ilang linggo.

Kaugnay nito, hinimok ng NUPL ang mga indibidwal sa buong mundo na lumagda sa naturang petisyon.

Matatandaan noong nakalipas na linggo, nagpahayag ng pagiging bukas si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa paggawad ng clemency kay Veloso.