-- Advertisements --
image 47

Ipinasara ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang isang sikat na Chinese restaurant sa Makati at ang apat na branches nito dahil sa umano’y malubhang paglabag sa Tax Code.

Pinirmahan ni Revenue Deputy Commissioner for Operations Maridur Rosario ang closure order laban sa Shanzhen Haiwei Food sa Salcedo One St., San Lorenzo Village batay sa rekomendasyon ni Makati Revenue Regional Director Florante R. Aninag.

Bukod pa rito, pinatigil rin ang operasyon ng apat na branches nito na matatagpuan sa 252 Sen. Gil Puyat Ave., Pio Del Pilar, Makati City; Ayala Malls Manila Bay, Paranaque City.

Isinara rin ang isang branch nito sa may Bonifacio High Street sa Bonifacio Global City, Taguig City, at Trade and Financial Tower sa 7th Avenue, Bonifacio Global City, Taguig City.

Kabilang sa mga binanggit na paglabag ay ang hindi pag-iisyu ng mga resibo at invoice, kulang sa deklarasyon ng mga benta ng higit sa 30 porsiyento at hindi pagpaparehistro ng isa sa mga branch nito.

Sinabi din ng BIR official na nagsilbi ng closure order na ang sikat na restaurant at ang mga branch nito ay mananatiling sarado hanggang sa maitama ng mga may-ari ang mga paglabag, magbayad ng kaukulang mga buwis at multa.

Ang mga pagpapasara o closure order ay isinagawa sa ilalim ng programang “Oplan Kandado” na puspusang ipinatupad ni BIR Commissioner Romeo Lumagui, Jr. upang sumunod ang mga business operator sa mga revenue regulations at magbayad ng tamang buwis.