Nasawi sa isang aksidente sa Bacolod kaninang ala una y medya ng umaga ang dating The Voice of the Philippines contestant na si Kokoi Baldo.
Ayon sa inisyal na ulat ni Bacolod Chief of Police Major Armilyn Vargas, tinangkang mag-overtake ng reggae singer sa sasakyang nasa unahan niya hanggang sa nawalan ito ng kontrol sa minamanehong motorsiklo. Dito na nabangga ang 44-year old singer ang isang 10-wheeler truck kung saan siya pumailalim at nasawi.
Nagpahayag naman ng pasasalamat at pakikiramay ang coach ni Kokoi Baldo sa The Voice na si Sarah Geronimo. Sa kanyang mensahe, nagpasalamat ang Popstar Royalty sa talento at musikang inalay ni Kokoi gayundin sa mga prinsipyong natutuhan niya sa reggae singer habang magkasama sila sa singing contest.
Nasa kustodiya na rin ng mga pulis ang drayber ng truck para sa imbestigasyon.