NAGA CITY- Nakatakdang gawin bilang quarantine area ang isa sa mga isla na kinokonsidera bilang tourist destination sa bayan ng Jose Panganiban, Camarines Norte.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Mayor Ariel Non, sinabi nitong dahil sa dumaraming bilang ng mga Person Under Monitoring (PUMs) nahihirapan na silang hanapan ng lugar para iquarantine ang mga ito.
Kaugnay nito, nagdesisyon na aniya sila na gamitin ang Calalanay Island bilang quarantine area ng mga PUMs lalo na ang mga mula sa Metro Manila na pumapasok sa Bicol Region.
Tiniyak naman ng alkalde na may kumpletong pasilidad na magagamit ang mga ipapasok sa naturang isla.
Maliban dito, may nakabantay din aniyang frontliners gaya ng mga tropa ng Philippine Coast Guard (PCG) at medical team sa lugar.
Magkakaroon din aniya ng mga recreational at reflection activities na makakatulong sa mga PUMs.
Nanindigan si Non na nais niyang gawing normal ang buhay ng mga tao sa nasabing isla habang nasa loob ng 14-days quarantine period.