Planong amyendahan ni Senador Sherwin Gatchalian ang Subscriber Identity Module (SIM) Registration Law kasunod ng malawakang paggamit ng (SIM) card ng mga salarin upang makapandaya at mang scam.
Binigyang-diin ni Gatchalian ang pangangailangang tukuyin ang mga indibidwal o organisasyon na nagbibigay-daan sa paggamit ng mga rehistradong SIM sa mga ilegal na operasyon ng POGO upang matulungan ang mga mambabatas na suriin at palakasin ang mga kaugnay na batas at patakaran, kabilang ang posibleng mga amendment sa SIM Registration Law.
Kabilang sa mga posibleng amendment ay ang paglilimita sa bilang ng mga pinapayagang SIM na maaaring irehistro sa bawat user at pagre-regulate ng Short Message Service (SMS) marketing, promotional, political o fundraising na ipinapadala sa pamamagitan ng mga SIM.
Ang Republic Act 11934 o ang SIM Registration Act, na nilagdaan noong Oktubre 2022, ay naglalayong hadlangan ang paggamit ng SIM-related technology sa iba’t ibang ilegal o scamming activities.
Gayunpaman, sa kabila ng pagsasabatas ng panukala, marami pa ring mga natutuklasang nakarehistrong SIM, cellphone, computer, at pocket Wi-Fi device, lalo na sa mga operasyon ng POGO na sangkot sa iba’t ibang anyo ng online scam, tulad ng mga love scam at cryptocurrency scam.
Ang mga ito ay nagdulot ng napakalaking pagkalugi sa pananalapi para sa mga nabibiktima.
Sa kabila ng direktiba ng Pangulo na ipagbawal ang lahat ng POGO sa bansa, sinabi ng mambabatas na kailangan pa ring tugunan ang paggamit ng mga rehistradong SIM sa mga ilegal na operasyon ng POGO na nagbibigay-daan sa money laundering, cybercrime, at iba pang scamming activities.
Nauna nang inihain ng chairperson ng Senate Committee on Ways and Means ang Senate Resolution 1054 na naglalayong imbestigahan ang paggamit ng SIM sa mga ilegal na operasyon ng POGO.
Binanggit niya na sa mga pagsalakay na isinagawa sa POGO hubs sa Bamban, Tarlac at Porac, Pampanga, narekober ng mga alagad ng batas ang maraming SIM, kasama ang mga cellular phone at digital device, na ginamit para magsagawa ng mga mapanlinlang na transaksyon.