Nahaharap ngayon sa panibagong usapin ang kampo ng Davao-based pastor na si Apollo Quiboloy ng Kingdom of Jesus Christ, makaraang salakayin ng mga ahente ng Federal Bureau of Investigation (FBI) ang simbahan nito na nasa Los Angeles, California.
Ginawa ang raid nitong Miyerkules dahil sa mga sumbong na may immigration fraud at fake marriages na ginagawa rito.
Ayon sa mga imbestigador, nakapagdokumento sila ng 82 sham marriages sa loob ng dalawang dekada.
Sinasabing $20 million donations ang napunta sa church leader na si Apollo Quiboloy, sa halip na maipagkaloob sa mga kabataang nangangailangan sa Pilipinas, na idinadahilan ng mga nangongolekta ng pera sa Estados Unidos.
Kabilang sa mga naaresto sa raid sina:
Guia Cabactulan, 59, top church official sa United States
Marissa Duenas, 41, nagpoproseso ng immigration documents para sa kanilang church workers
Amanda Estopare, 48, nangangasiwa ng financial aspects ng kanilang simbahan
Ilang dating nagtatrabaho para sa simbahan ang tumakas umano at nagsumbong sa FBI ukol sa pamimilit sa kanilang mag-solicit ng donasyon sa iba’t-ibang panig ng Estados Unidos.
Salaysay pa ng mga ito, kung minsan ay sinasaktan sila at dumaranas din ng psychological abuses.
Wala pa namang inilalabas na tugon ang kampo ni Quiboloy hinggil sa usaping ito. (ABC/DailyMail)