TUGUEGARAO CITY – Muling umaapela ng tulong ang Simbahang Katolika para sa second collection sa mga misa ngayong araw para sa mga biktima ng pag-alburuto ng Taal Volcano.
Sinabi ni Jing Rey Henderson, communications and partnership development coordinator ng National Secretariat for Social Action-(NASSA) CaritasPhilippines na anumang makokolekta sa lahat ng parokya ay ibibigay sa social action center na dadalhin naman sa Caritas at sila ang magdadala sa Batangas at Cavite.
Ayon kay Henderson, nasa 80,000 ang nasa pangangalaga ngayon ng mga simbahan mula sa nasabing mga lalawigan.
Kaugnay nito, nanawagan si Henderson sa mga nagsasagawa ng relief efforts na kailangan na magkaroon ng maayos na koordinasyon sa pamamahagi ng mga tulong sa mga evacuees.
Ito aniya ay dahil sa may ilang evacuees na sobra-sobra ang natatanggap na tulong habang may iba pa kulang na kulang.
Sinabi ni Henderson na ang higit na kailangan ngayon ng mga evacuees ay mga pagkain at mga non-food items tulad ng mga kumot, towels, sleeping mats, sanitary napkins, diapers para sa mga sanggol at adults, mga gamot, eye drops, at infant milk.