CAGAYAN DE ORO CITY – Hindi na rin napigilan ng mga kasapi ng Simbahang Katolika na makibahagi na rin sa kontrobersiyang kinasasangkutan ng KAPA Community Ministry International Inc. sa lungsod ng Cagayan de Oro.
Ito’y dahil naging bukambibig na ng taumbayan ang sinapit ng mga KAPA members matapos ipahinto ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanilang ilegal na operasyon.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Bro. Cleb Calimutan, presidente ng Confraternity of the Lay Apologetics ng Archdiocese of Cagayan de Oro na hindi naging bulag at bingi ang simbahan sa isyu ng KAPA ministry sa pangunguna ng kanilang founder na si Pastor Joel Apolinario.
Ito umano ang dahilan kung kaya’t hinihikayat ng Simbahan ang mga miyembro ng KAPA na itakwil ang kanilang grupo at maghanap ng ligal na investment company upang maging secure ang kanilang ilalagak na salapi.
Inihayag pa ni Calimutan na batay sa paniniwala ng Simbahang Katolika, makakamtan lamang ang isang mithiin sa pamamagitan ng pagdarasal, tiyaga at hindi sa tinatawag na “easy money” tulad ng pinapaniwalaan ng mga kasapi ng KAPA.