Nanawagan ang simbahang katolika sa lahat ng botante na piliin ang isang maka-Diyos kaya makabayan na kandidatong mamumuno sa bansa para sa darating na halalan sa Mayo 9.
Kasabay ito nang isinagawang “penitential walk” ng mga paring katoliko bilang paggunita sa ika-150 anibersaryo ng kabayanihan ng tatlong paring martir na sina Mariano Gomez, Jose Burgos, at Jacinto Zamora, o mas kilala rin bilang GomBurZa.
Sa isinagawang misa bago ganapin ang naturang alay lakad ay inihalimbawa ni Cardinal Jose Advincula sa kanyang mensahe ang nakaraan at naging sakripisyo ng GomBurZa na dapat na ikonsidera at gawing basehan ng mga botante sa kanilang magiging pagpili sa mga susunod na mamumuno sa bansa.
Ikinwento ng Cardinal ang naging paghihirap ng naturang tatlong pari noong panahon ng mga espanyol nang maling maparatangan ang mga ito ng pagtataksil at subcersion na nagmula sa 1872 Cavite mutiny dahil itinaguyod aniya ng mga ito at ipinaglaban ang kanilang paniniwala at pananampalataya.
Paliwanag ng mga pari , sinasabi nilang “maka-Diyos kaya makabayan” dahil pananagutan anila ng bawat Kristiyano ang makisangkot sa pagbubuo at pagpapanibago ng bansa, sa pamamagitan ng paghahandog ng kanilang sarili pasa sa kabutihang pangkalahatan.
Kasabay ng kanilang panalangin ay ang kanilang panawagan sa lahat ng mga botante na magsuring maigi sa kanilang pagpili, at iboto lamang ang mga lider na nagsasabuhay at nagtataguyod ng mga pagpapahalaga anila sa relihiyon at Kaharian ng Diyos.
February 17, 1872, binitay ng mga espanyol na sumakop sa bansa ang tatlong paring martir na tinaguriang GomBurza sa Bagumbayan.
Samantala, una na rito ay hindi inalintana ng nasa mahigit 100 mga pari na nakiisa sa naturang alay-lakad ang mga pag-ulan at init ng sikat ng araw na dulot ng pabago-bagong klima ng panahon ngayong araw.
Mula sa Manila Cathedral sa Intramuros ay naglakad ang mga ito patungo sa GomBurza memorial marker sa Luneta Park upang mag-alay ng mga bulaklak at maghandog ng panalangin, atsaka naman ito dumiretso sa Shrine of Nuestra Señora de Guia sa Ermita, Maynila kung saan ay tinapos sa pamamagitan ng isang panalangin ang naturang aktibidad.