Umapela ang simbahang katolika sa mga tagasuporta at staff ng mga tumatakbong kandidato para sa darating na halalan sa Mayo 9 na huwag magpatugtog ng malakas na jingle sa labas ng mga simbahan.
Ipinahayag ito ng Malolos Cathedral sa isang statement at kasabay ng kahilingan na patayin o babaan ang volume ng mga campaign jingle ng mga ito upang hindi magambala ang pananalangin ng mga mananampalatayang sumasamba dito lalo na sa tuwing nagsasagawa ng Banal na Misa dito.
Bukod dito ay nanawagan din ang simbahan sa mga kandidato na payuhan ng mga ito ang kanilang mga tauhan at tagasuporta sa kanilang pangangampanya na magpakita ng paggalang sa lahat ng mga lugar na pinagdarausan ng pagsamba kung saan ginaganap ang mga banal na sakramento at panalingin lalo na tuwing araw ng Linggo.
Samantala, magtatapos naman ang panahon ng kampanya para sa national at local na mga kandidato sa Mayo 7, habang sa Mayo 9 naman gaganapin ang botohan sa Pilipinas at sa Abril 10 naman gaganapin ang magiging botohan para sa mga botanteng nasa ibang bansa.